Naumpisahan ng hukayin ang ilog ng Angono na noong mga nakaraang     panahon ay nagdulot ng pighati sa ating mga kababayan dulot ng pag-apaw nito dahil na rin sa siltation o mabilis na pagbabaw at pagkitid ng daluyan nito     sabay sa  malalakas na bagyo at malakas na pagbuhos ng ulan. Matatatandaang noong mga nakaraang bagyong Reming (2001) at Bagyong Ondoy (2009), ang pag-apaw ng naturang ilog, dahil sa pagpuputol ng mga puno  at pagbabaw ng ilog, ay kumitil sa buhay ng ilang  mga taga-Angono at pagkawasak ng mga ari-arian lalung-lalo na sa mga nakatira sa tabi nito. Matapos ang mga bagyong nabanggit, makikita na ang bayan ay balot ng burak at putik; sa  kalsada ang mga basang gamit. Sa panayam kay Punong Bayan Gerry Calderon, sinabi   niyang ang expansion ng Concrete Aggregates, na may lawak na 19.9 hektarya, ay mariin na niyang tinutulan noon pa man hanggang sa ang  feasibility study ng naturang kumpanya ay in-indorso ng nakaraang administrasyon, sa pamamagitan ng Sangguniang Bayan Resolusyon Blg. 08-127,  sa Mines and Geo– Science Bureau ng DENR na siya namang nagbigay ng  Environmental Compliance Certificate (ECC) sa Concrete Aggregates . Aniya,  ayaw na niyang mangyari pa sa kanyang mga kababayan ang pangamba, pighati at hirap na idinulot ng mga nasabing pagbaha at pag-apaw ng ilog.  “Hindi    lamang sa tuwing mag-e-eleksyon ito dapat hukayin” , sabi pa ni Meyor Gerry Calderon.

Dahil na nga sa expansion ng pagmimina, dapat may kaakibat itong paglilinis ng ilog. Kinakailangan, dagdag niya, tuloy-tuloy  ang paghuhukay dito lung lalo na sa bukana o bunganga ng ilog. Malaking halaga ang gugugulin at magugugol  sa paghuhukay at rehabilitasyon ng ilog, sabi pa niya, subalit,   dagdag niya, ang Pamahalaang Bayan ay nakagawa ng pamamaraan o iskema at napaki-usapan ang kontraktor nito na ipambayad ay ang lupang mahuhukay dito o “Bayad Lupa” ng sa gayun, malaki ang matitipid ng bayan para sa paghuhukay.

Sa kasalukuyan, ang paghuhukay ay halos tapos para sa taong ito  at mapapansing ito ay muling naging malinis, maaliwalas  at marami na ring kabataan ang nakakaligo dito at napapamingwitan ng muli.

About these ads