Mainit na pinaghahandaan at tinututukan ng Pamahalang Bayan ng Angono sa pangunguna ni Mayor Gerry Calderon ang pagsapit ng kapistahan ng San Clemente sa bayan ng Angono. Nais ni Mayor na maging mas maganda, lubos na masaya, at puno ng kulay ang kapistahan ngayong taong 2011.

Dahil dito, nagbuo si Mayor ng “Technical Working Group” na tututok at magsisiguro na magiging maayos at maganda ang takbo ng kapistahan, mula sa programa hanggang sa paghahanda ng mga magiging kaganapan dito. Ang taunang kapistahan ng San Clemente ay ginaganap tuwing ika-23 ng Nobyembre, subalit kaparis ng nakasanayan, ika-22 ng Nobyembre pa lamang ay punong puno na ng mga masasayang kaganapan sa bayan ng Angono. May parada ng mga banda sa umaga, may parada ng bayan sa hapon at pagpapalipad ng mga lobo/Fireworks Display/Balik Banda sa gabi. Pagsapit ng ika-23 ng Nobyembre, alas singko pa lamang ng madaling araw ay magsisimula na ang programang inihanda ng ating pamahalaang bayan na sisimulan ng isang Misa Concelebrada.

Ngunit sa kabila ng lahat ng mga paghahanda ng ating pamahalaang bayan para sa kapistahan ngayong taon, ipinaaalala ng ating punong bayan na nasa bawat mamamayan ng Angono pa rin nakasalalay ang tagumpay ng selebrasyong ito, at ang pagpapanatili na maging masaya, maayos, at mapayapa ang pagdaraos ng Kapitahan ng Angono.

Makikita ang kabuuan ng programa ng Kapistahan ni San Clemente / Higantes Festival sa Facebook ng Angono Tourism Office.

Mabuhay ang Patron ng San Clemente!
Mabuhay ang Kapistahan ng Angono!
(Gelo San Juan)

Advertisements