Maligayang bati sa aking mga kababayan at Mabuhay kayong lahat!  Nawa’y maidaos natin ang Kapistahan ng Mahal na Patron San Clemente ngayong Nobyembre 23, 2011 ng maayos, mapayapa at puno ng saya.

Sama-sama nating ipakita sa ating mga bisita ang pagiging mapagkaisa at mapagmahal sa kultura, sining at tradisyon bilang bayan ng mga higante.  Patunayan natin sa lahat na tunay ngang ang bayan ng Angono ang Art Capital of the Philippines at tahanan ng Higantes Festival.   Ipakita natin sa lahat na karapat-dapat lamang na ang Angono ang naging kauna-unahang munisipalidad kasama ang Lalawigan ng Rizal sa bansa na naging Asean Culture Capital noong Setyembre 2010.  Ganoon din naman, ating ipakita sa buong sandaigdigan na tayo sa pamamagitan ng ating mga kultura, sining at tradisyon ay mahigpit na sumusuporta at nagtataguyod sa pagkakamit ng Eight (8) Millenium Development Goals. Sa ating pinag-isang pagkilos at pagtutulungan matutupad ang ating pangarap na ang bayan nati’y  maging regular na  pasyalan at isang sikat na tourist destination sa bansa.

Ginagawa po ng kasalukuyang administrasyon ang lahat upang ang ating bayan ay maging kaaya-ayang panahanan ninuman at katanggap-tanggap sa sinumang bisita. Patuloy po ang pagsasakatuparan natin ng mga rehabilitasyong pisikal tulad ng patuloy na pagpapahukay sa ilog upang maiwasan ang mga biglaang pagbaha sa bayan, gayun din ang UPLAND DEVELOPMENT PROGRAM o ang pagtatanim ng mga punong-kahoy at pag protekta sa nalalabing luntiang lugar sa bulubunduking bahagi ng ating bayan, tuluy-tuloy na mga programang pang-kalinisan at pang-kalikasan o ang ZERO BASURA PROGRAM, pagsasaayos ng mga lansangan at mga komunidad na tinaguriang ZERO SQUATTER PROGRAM, ang LAKESIDE DEVELOPMENT PLAN na naglalayon na protektahan ang ating lawa at marami pang iba, lahat sa ating layuning makaakit ng mga turista at mapaunlad ang turismo sa ating bayan.

Ang atin pong bayan ay nakamit ang mga karangalang katulad ng Galing Pook Award ng dahil sa programang “Sa Turismo Aangat ang Bayan ng Angono”.  Ito ang pinakamataas na karangalang iginagawad ng Pangulo sa  Malakanyang sa sinumang Local Government Unit na nakapagkamit ng katangi-tanging tagumpay sa larangan ng lokal na pamamahala. Tayo din po ay naging Cleanest and Greenest Municipality sa lalawigan ng Rizal at Hall of Famer in the Provincial and regional Search for Outstanding Municipal Peace and Order Council.

Sa mga karangalang ito na nakamit na ng ating bayan, ang hamon sa kasalukuyan ay lalo pa nating pag-ibayuhin ang ating mga pagsisikap upang mahigitan pa ang ating mga napagtagumpayan na, at nang sa gayo’y patuloy nating mapangatawanan ang ating magandang pangalan at reputasyon.  Sa ating walang sawang pagkakaisa’t pagkilos makakamit natin ang katuparan ng Angono Dream. Magkapit-kamay tayo sa pagsulong sa tagumpay.

Maligayang Kapistahan! Mabuhay ang mamamayan ng Angono! Mabuhay ang Higantes Festival! Viva San Clemente!

LET US ALL KEEP MOVING!

Hon. Gerardo V. Calderon, MPA

Municipal Mayor – Angono, Rizal