May Bayani tayo!, Ito ang mga katagang binanggit ni Punong Bayan Gerardo V. Calderon sa ginanap na flag ceremony sa municipal park noong Marso  21, 2011.

Namamasada noong araw na iyon si Antonio B. Sabanal Jr.,  isang kasapi ng Constellation Tricycle Operator’s and Drivers’ Association (COTODA) sa  ganap na ika  8:00 ng gabi ng sumakay ang isang pasahero at nagpahatid sa Constellation Homes sa Baranggay San Isidro, nitong bayan. Matapos na maihatid ay pabalik na siya sa kanilang terminal sa may Iglesia ni Kristo ng mapansin niyang mayroong bagay na nasa flooring ng kanyang traysikel at laking gulat niya ng makita niya ang isang bungkos ng pera na nagkaka- halaga ng P43,000.00 kaya ito’y agad niyang kinuha. Ayon kay Sabanal, Jr., inisip niyang kailangan ito ng naka-iwan kaya, kahit siya ay isang traysikel driver lamang, hindi siya nag-atubiling isauli ito sa nagmamay-ari.

Laking pasasalamat naman ng may-ari ng pera, na hindi na rin nakuha ang pangalan, kay Sabanal dahil sa kagandahang loob nito at ni hindi naman lamang nanghingi ng anumang kapalit.  Ibinahagi din ni Sabanal na, ayon sa may-ari ng pera, ito ay gagamitin niya para sa tuition fee ng kanyang mga anak at ang ilan ay pang babayad niya sa kanyang trabahador.

Sa nasabing flag ceremony ay pinarangalan naman ng Pamahalaang Bayan si Sabanal, Jr., dahil sa kanyang kabutihang ginawa at pagpapakita ng tunay na ugaling Pilipino at iginawad sa kanyang ang isang “Sertipiko ng Pagkilala” at kaunting pabuya.

Sa  huling mga pananalita ni Mayor Keep Moving , sinabi niya  kay Sabanal at idinalangin, sa harap ng mga dumalo,  na sana ay dumami pa ang lahi mo! Tunay na bayaning Angono.  (Richard Gappi)