Ipinaliwanag ni Mayor Gerry Calderon noong Oct. 24, kung bakit may baha sa ilang bahagi ng Angono kahit wala namang ulan.

Sa kanyang mensahe sa flag raising ceremony noong lunes, ika-24 ng Oktubre, binigyang diin ni Mayor Gerry na dahil na rin sa kinalalagyan ng Angono (geography) na nasa mababang lugar, nagsisilbi itong “catch basin” o imbudo ng mga tubig na nanggagaling sa mga bundok at matataas na lugar sa mga kalapit bayan. “Tayo po ang unang sinusukahan ng tubig ng Cainta, galing sa Marikina, galing sa San Mateo, galing sa Montalban.  At bakit tumataas ang lawa sa Angono kahit walang ulan? Hindi po natin alam ang istorya sa Sierra Madre o sa Montalban, kung doon ay malakas ang ulan at sa Angono ay wala. Kaya magtataka kayo kung bakit tumataas ang tubig dahil ang agos nyan ay papunta sa dulo ng Barangay Kalayaan at ng San Vicente,” paliwanag ni Mayor Gerry.

“Mahirap piitin ang pag-apaw ng baybaying dagat ng Angono.  Iyan ay Laguna de Bay ng lahat ng bayan at syudad sa lalawigan ng Rizal at Laguna, Taguig at Muntinlupa,” wika ni Mayor Gerry.

Matatandaan na noong isang linggo, naging tampok sa balita sa pambansang telebisyon ang nasabing baha sa Angono. Nakaulat dito ang mga taong nagbabangka para lamang makatawid sa lugar na kanilang pupuntahan.

Hanggang ngayon ay may mga pamilya pa rin ang nasa relocation site sa covered court ng Barangay Kalayaan. Nagbigay na rin ng tulong ang local at regional DSWD sa mga apektadong pamilya.

Ayon pa kay Mayor Gerry, sadyang mababa na ang Lawa ng Laguna.

Aniya, dati ay may lalim ito ng 30 hanggang 40 feet. Ngunit dahil na rin sa siltation, bumabaw ito at tinatayang may 10 hanggang 15 feet na lamang ang lalim.  Batay naman sa datos, ang dating 12 meters na lalim ng Laguna Lake ay 2.5 meters na lamang ngayon dahil sa siltation o pagkapal ng putik at pagkaipon ng mga dumi sa Laguna Lake.  Nabanggit din ni Mayor Gerry na plano na umano dati na hukayin ng isang Belgian company ang Laguna Lake upang ito ay palalimin. Gayunman, ang nasabing proyekto ay kinansela mismo ni Pangulong Noynoy Aquino.

Dahil sa aksyon na ito ng pambansang pamahalaan, kinasuhan ng nasabing Belgian company ang national government dahil umano sa hindi pagtalima sa nasabing  kontrata.  Bilang immediate at medium term na tugon ng lokal na pamahalaan ukol sa nasabing baha, iniulat ni Mayor Gerry na tinatambakan na ng lupa ang nasabing lugar upang ito ay mapataas.

“Tinatambakan natin ng lupa na mga 4 to 5 feet ang taas ang mga daan sa lugar na ito upang tumaas ang nasabing lugar at upang may madaanan ang mga tao,” wika ni Mayor Gerry.  Dagdag pa ni Mayor Gerry na kahapon, katuwang ang mga kasapi ng RANGERS at mga taga-Barangay San Isidro, ay tinulungan ng lokal na pamahalaan ang mga pamilya na nasa baha sa pamamagitan ng pagbibigay ng mga gamot at iba pang tulong.

“Kahapon, ibinababa ang lantsa kasama ang rubber boat ng kapulisan, ang ilan ay tinignan sa mga bahay para gamutin.  Kasama yung RANGER at Barangay San Isidro. Sinimulan sa Barangay Kalayaan at gagapangin yung hanggang sa San Vicente,” wika ni Mayor Gerry.

Ipinag-utos din ni Mayor Gerry sa DSWD at mga kasapi ng Municipal Disaster and Risk Reduction Council na kailagang maging mabilis, maayos at accountable sa tao ang pagtugon sa anumang kalamidad o emergency na mangyayari sa bayan.  “Anumang nagaganap sa ating bayan ay dapat direkta sa kapitan para hindi magulo at kung ano ang demand ng kapitan, sabihin sa atin, sa MDRRMC, sila ang pupunta dyan katulong ang barangay,” wika ni Mayor Gerry.

(Richard R. Gappi)