Pinirmahan at pinagtibay ni Mayor Gerry Calderon noong isang linggo ang ordinansa na nagbabawal na sa paggamit ng plastic bag at styro para sa mga dry goods.

Ang nasabing batas na pinamagatang “An Ordinance Prohibitng the Use of Plastic Bags on Dry Goods and Regulating its Utilization on Wet Goods and Prohibiting the Use of Styrofoam in the Municipality of Angono” ay inakda ni Kon. Bernie Blanco Guir at pinagtibay ng buong kapulungan ng Sangguniang Bayan noong October 3.

Gayunman, maglalaan ng isang taon para sa info dessimination at gradwal na pagpapatupad nito bago ganap na ipatupad ang mga penalty sa mga lalabag sa nasabing batas.

Ayon kay Mayor Gerry, ang nasabing ordinansa ay bahagi ng kanyang kampanyang kontra-global warming at upang ingatan ang ating kalikasan.

“Ang mundo ay nalalapit nang masira at kung ang tao ay hindi tutulong, mapapahamak tayong lahat. Hindi po ito biro-biro, ang threat ng global warming,” wika ni Mayor Gerry.

Sinaksihan ng iba’t ibang negosyante sa bayan ang pagpirma ni Mayor Gerry sa nasabing ordinansa. Kabilang dito ang mula sa hanay ng ng banko, bakeshop, paaralan, St. Clement, Mercury, Allied Bank, mga barangay at NGOs.

Sa nasabing programa, dumalo din ang mga taga-Hijas de Jesus na nakapaloob sa St. Clement Parish na nangangasiwa sa St. Candida Center for Human Promotion.

Ang St. Candida Center ay nakabase sa Barangay Kalayaan at nagtuturo sila sa mga kababaihan sa Lakeside Park na mag-recycle upang maipagbili ito at magkaroon sila ng pagkakakitaan.

“Yung mga foil ay ginagawa po naming bag, galing sa balot ng shampoo, Milo, mga Nestea, tsitsirya. Imbes na itapon sa basura na magka-clog sa ating drainage, kung pwede po ay pakiipon at irerecycle namin,” wika ni Sister Dionie Quela.

Bukod sa pagrerecycling, nagtuturo din sina Sister Dionie sa mga kababaihan ng reflexology para maiwasan ang paggamit masyado ng chemically processed na gamot.  Mayroon din silang ibinibigay na home study program every weekend na ang mga tutors ay mga retired teachers.

Samantala, hinimok naman ni Municipal Environment and Natural Resources Officer Emilnor Pasion ang mga tao na suportahan ang recycling at reuse campaign ng pamahalaang bayan.

“Magkakaroon po tayo ng redemption center sa likod ng munisipyo at doon po natin ilalagay yung mga empty bottle ng mineral water at iba pa. Yung pera na makukuha natin dito kapag naibenta ito sa junkshop ay ibibigay naman natin tulong at Pamasko para sa ating mga volunteers,” paliwanag ni Engr. Emil.

(Ulat at mga litrato ni Richard R. Gappi)