ni Manda Icasiano

 

Maagang pamasko ang nakaabang sa mga batang taga-Angono ngayon taon.  Sa pangunguna ng Y-C.A.R.E.S. (Youth Coordinating Alliance for Reforms, Education and Social Services), isang youth organization/N.G.O. sa Angono, nagsimulang mangalap ng mga laruan, damit at mga grocery items ang nasabing grupo upang ipamigay sa mga kapus-palad na mga bata sa bayan ng Angono.

Sa pakikipagtulungan ng KKK Patrol Office, sa ilalim ng Opisina ni Mayor Gerry Calderon, natukoy ng naturang opisina ang mahigit na 300 batang karapat-dapat na makinabang sa proyektong ito.  Ang mga ipamimigay na regalo ay may lamang bigas, noodles, delata, mga damit at siyempre, hindi mawawala ang mga laruan.  May ilang senior citizens din na mapagkakalooban ng maagang pamasko.

Pinangunahan ni Mayor Gerry ang maagang regalo sa pamamagitan ng pagbibigay niya ng apat ng kabang bigas at mga grocery items.  Sinundan pa ito ng mga pribadong kumpanya at mga establishimento sa Angono na nangalap din ng mga donasyon para ibigay sa nasabing proyekto.   Ang kabuuan ng programa ay itatampok sa “Lakbayin ang Magandang Pilipinas” sa NBN Channel 4, 8-9:00 ng umaga.  Malalaman pa ang eksaktong petsa ng pagpapalabas nito sa telebisyon.

Gaganapin ang pagbibigay ng mga regalo sa ika-16 ng Disyembre, biyernes ng umaga sa Angono gymnasium.  Dadaluhan ito ng mga sponsors na sumuporta sa proyekto, at pangungunahan ni Mayor Gerry ang pamimigay ng maagang pamaskong regalo sa mga bata.

Ang Y-C.A.R.E.S. ay pinamumunuan ni Gelo San Juan.