Inatasan ni Angono, Rizal Mayor Gerry Calderon ang kapulisan at  ang mga taga-Public Safety and Order na hulihin ang motor ng mga empleyado na may open muffler na nagdudulot ng ingay o sound pollution.
Ipinahayag ito ni Mayor Gerry noong Enero 16,  sa flag raising ceremony sa pamamagitan ng kanyang Executive Assistant-Internal Officer na si Allan Maniaol.
Ayon kay Mayor Gerry, nararapat lamang na unahing ipatupad ang nasabing ordinansa sa munisipyo at sa mga empleyado mismo.
Matatandaan na sa pinakahuling pulong ng Municipal Peace and Order Council, ang maiingay na motor at traysikel ang iniangal ng publiko na isa sa mga pangunahing problema.
Ayon kay Mayor Gerry, higit na maniniwala ang tao kaugnay sa bisa ng pagpapatupad ng ordinansang ito kung ang mga pasaway na taga-munisipyo mismo ang sasampolan.
“Yung mga empleyado na ayaw mag-comply, ilista nyo at ako ang bahala na magdisiplina sa kanila,” wika ni Mayor Gerry.
Binilinan din ni Mayor Gerry ang mga empleyado, laluna na ang mga nasa frontline offices, na maging magalang at maayos ang pakikitungo sa publiko na nakikipagtransaksyon sa pamahalaang bayan. Lalupa ngayon na marami ang kumukuha ng iba’t ibang permit.
Ang utos ni Mayor Gerry ay bunsod na rin umano ng mga nagtext sa kanya na may mga empleyado sa munisipyo na nakataas ang paa, mga nakasimangot, at malalakas magtawanan at kwentuhan kahit may mga kliyente na sa loob ng opisina at kanilang harapan.
“Yung satisfaction ng publiko ang lagi nating dapat isipin at gawin. Yun bang paglabas nila sa opisina matapos paglingkuran ay meron silang ngiti sa labi,” wika ni Mayor Gerry.
(Richard R. Gappi)