Nais ng Commission on Elections (Comelec) na amyendahan ng Kongreso ang ilang batas tungkol sa pagdaraos ng eleksiyon para mabigyan-daan ang on-line registration at voting na pakikinabangan ng mga Pinoy lalo na ang mga nasa ibang bansa.

Sa pagdinig na isinagawa ng Senate committee on electoral reforms na pinamunuan ni Sen. Aqujilino “Koko” Pimentel III, hiniling ng Comelec na repasuhin ng Kongreso ang Absentee Voting Act, Automated Election Law at Fair Election Act.

Sa panayam ng media nitong Huwebes, sinabi ni Comelec Commissioner Rene Velasco, na inaasahan ng komisyon na aabot sa isang milyon ang new registrants para sa 2013 elections.

“We will study the possibility of amending existing laws in order to accommodate not only internet registration but also internet voting,” ayon kay Velasco.

Sinabi ng opisyal na bumababa ang bilang ng Pinoy na nasa abroad na nakikilahok sa eleksiyon sa Pilipinas dahil sa kulang ang mga embahada at konsulado ng Pilipinas na puwede nilang puntahan upang magrehistro at bumoto.

Dahil dito, hindi umano nagagamit ng mga Pinoy na nasa ibang bansa ang kanilang karapatan na maghalal ng opisyal na pinoprotektahan sa ilalim ng Saligang Batas.

“The problem is there are not enough embassies and consular offices to accommodate voting. Because of these (problems) OFWs need to travel to the nearest country or embassy to register, and/or vote,” paliwanag niya..

Ang naturang problema ay maaari umanong malutas sa pamamagitan ng internet registration at voting.

Tiniyak naman ni Pimentel na kokonsultahin niya ang mga kapwa senador para makuha ang kanilang opinyon tungkol sa mungkahi ng Comelec.

Bagaman nakikita ni Pimentel na kaya namang ipatupad ang programa, kailangan pa rin umanong masuri ang mga umiiral na batas tungkol sa halalan para tiyaking legal at naaayon sa batas ang planong Internet registration at voting.

Bukod dito, inaasahan din ng senador na posibleng may kumuwestiyon sa integridad at seguridad ng sistema kaya kailangan umano itong pag-aralan na mabuti. – ER/FRJ, GMA News | Angono Dream news | Manda Icasiano