Sonny Boy Jaro na taga-Binangonan at Angono, bibigyan ng hero's parade at parangal bilang bayani at anak ng bayan ng Angono Rizal sa lunes, ika-12 ng Marso, 2012.Sa pangunguna ni Angono, Rizal Mayor Gerry Calderon, mainit na sinalubong ng mga kawani ng pamahalaang bayan ang boksingerong si Sonny Boy Jaro na bumisita sa munisipyo, Martes, Marso 6.

Si Jaro ang pinakabagong World Boxing Council flyweight champion ng bansa.

Naagaw niya ang korona mula sa dating kampeon na Thai boxer na si Pongsaklek Wonjongkam sa kanilang laban na ginanap sa Chonbori, Thailand noong Marso 2 matapos ang 6th round TKO. Dehado sa nasabing laban si Jaro kontra kay Pongsaklek dahil sa hometown ng Thai boxer naglaban. Labing-anim (16) na ring ulit na naidepensa ni Pongsaklek ang kanyang korona at tinagurian siya ng kanyang mga kababayan na “superstar boxer”.

Ngunit hindi umubra si Pongsaklek sa mala-maso na kamao ni Jaro.

Unang round pa lamang ay humalik na sa lona ang Thai boxer. Naulit ito sa 3rd round hanggang itigil ang laban sa Round 6.

Si Jaro ay nakabase sa boxing stable sa may Tayuman, Binangonan at bago makamit ang titulo ay lagi na ring lumalaban sa mga paboksing dito sa bayan ng Angono. (Richard R. Gappi)