Ito ang mensahe  ni Angono, Rizal Mayor Gerry Calderon kahapon ng umaga, ika-31 ng Marso, kaugnay sa paggunita sa kadakilaan at kamatayan ng dalawang Pambansang Alagad ng Sining na sina Carlos “Botong” Francisco at Prof. Lucio D. San Pedro.
Ang “Angono Dream” ang nagsisilbing gabay sa kasalukuyang pamumuno ni Mayor Gerry at inilalarawan nito ang bayan bilang “An Artists’ Paradise… A Tourists’ Haven” – a healthy, peaceful and orderly community, a just and humane society with blessings from God Almighty.”
Ayon kay Mayor Gerry, ang pagsisikap ng lokal na pamahalaan na maabot ang nasabing pangarap at sa pakikiisa ng mamamayan sa pamamagitan ng kanilang bolunterismo ang mabisang alay at handog bilang pasasalamat sa nasabing dalawang dakilang anak ng Angono.
“Ang sining at musika nina Botong at Lucio ay nakaugnay sa bayan ng Angono – isang malinis at maunlad na bayan, mamamayang may pagmamalasakit at pagpapahalaga sa sining at ang sining ngayon ay bahagi sa ating comprehensive development plan ng bayan,” wika ni Mayor Gerry.

Pinangunahan ni Mayor Gerry calderon ang pag-aalay ng bulaklak sa puntod nina Prof. Lucio San Pedro at Carlos "Botong" Francisco noong Marso 31, bilang palatuntunang paggunita sa kamatayan ng dalawang dakilang anak ng Angono

Bilang tugon naman ng pamilyang pinarangalan, nagpasalamat ang artist na Carlos “Totong” Francisco (apo ni Botong) at si Cristy San Pedro-Sanidad (anak ni Maestro San Pedro).
“Mahal na mahal ng aking ama ang bayan ng Angono dahil para sa kanya, hindi magkahiwalay ang kanyang musika at bayan. Kung kaya mas pinili niyang ilibing sa Angono kaysa sa Libingan ng mga Bayani dahil ayaw niyang malayo sa kanyang bayang na naging inspirasyon niya sa kanyang sining,” wika ng anak ni Professor San Pedro.
Nagtanghal din ang St. Clement Symphonic Band at mga mag-aaral ng Carlos Botong Francisco Memorial National High School.
(Artikulo ni Richard R. Gappi)
(Litrato ni Patnubay Tiamson)