Ayon kay Atty. Karen Jimeno, malapit sa kanyang puso ang pagtuturo dahil guro din siya at binigyang diin ng kanyang magulang ang halaga ng edukasyon sa buhay ng isang tao kung kaya siya ay nagsikap sa buhay upang maging abugado. (Litrato ni Richard R. Gappi)

ANGONO, Rizal – Nagsilbing panauhing tagapagsalita si Atty. Karen Jimeno, spokesperson ng defense panel sa impeachment trial ni Chief Justice Renato Corona, sa ginanap na lecture caravan, Mayo 12, sa Angono Elementary School.

Sa kanyang talumpati, pinasalamatan ni Atty. Jimeno ang mga guro sa kanilang taos-pusong serbisyo sa paghubog ng mga kabataang mag-aaral.
“Saludo po ako sa inyo. At, maraming-maraming salamat po sa ginagawa n’yo para sa bayan,” wika ni Atty. Jimeno sa humigit-kumulang na 300 gurong dumagsa sa nasabing aktibidad.
Ayon sa kanya, ang pagmamahal sa pagtuturo ay “malalim,” at inudyukan rin niya ang mga guro na ipagpatuloy ang kanilang masiglang pagganap sa kanilang propesyon.
Sinabi ni Jimeno na bilang isang kapwa guro, batid niya ang halagang ginagampanan ng bawat titser upang hubugin ang kanilang mga mag-aaral.
Dati siyang nagturo sa UP College of Law, maging sa mga kabataan sa Hospicio de San Jose.
Binanggit din ni Jimeno, na nag-aral rin sa Harvard University, na sa darating na school year ay babalik siya sa pagtuturo. Plano ni Atty. Jimeno na magturo ng Law sa San Beda at sa Centro Escolar University law schools.
Ang kanyang talumpati ay bahagi ng lecture caravan na may temang “Sharing Best Teaching Practices” na sama-samang itinaguyod ng Metrobank Foundation Network of Outstanding Teachers (MBFI-NOTED),DepEd-Rizal, Municipality of Angono sa pangunguna ni Mayor Gerardo Calderon, at Angono Municipal Tourism Office sa pangunguna ni Patnubay Tiamson.
Kabilang din sa mga nagsilbing punong-abala si UP Professor Emeritus Ligaya Tiamson-Rubin na isang kilalang guro at awtor ng maraming mga aklat ng tula, kultura, at kasaysayan, partikular ng bayan ng Angono.

At least 300 teachers from various schools in Angono and province of Rizal are present in the on-going seminar which aims to share best teaching practices. (Photos by Richard R. Gappi)