Ang Nazareno habang papasok sa simbahan ng Angono

Mabunyi at marubdob na tinanggap ng mamamayan ng Angono ang imahen ng Mahal na Poong Hesus Nazareno ng Quiapo halos isang oras pa lamang ang nakakalipas ngayong Biyernes, Mayo 25.
Sa pangunguna ni Mayor Gerry Calderon kasama ang mga konsehal ng bayan at mga opisyales mula sa iba’t ibang barangay, ang imahen ay sinalubong ng tatlong banda kabilang dito ang Rizal Provincial Band, Angono Wind Ensemble at Angono St. Clement Symphonic Band.

Pinangunahan ni Mayor Gerry Calderon ang panalangin ng bayan sa pagsalubong ng bayan ng Angono sa Mahal na Poong Hesus Nazareno kanina halos isang oras pa lamang ang nakakaraan.

Habang tumutugtog din ang mga banda, nakasaliw din naman sa sound system ang panalangin-awit na “Nuestro Padre Hesus Nazareno” na ang bersyong pinatutugtog ay lika/komposisyon ng Pambansang Alagad ng Sining sa Musika na si Maestro Lucio D. San Pedro.
Nilikha ni Maestro San Pedro ang arrangement sa nasabing awit bilang pagdiriwang sa ika-400 taon ng Translacion, o pagdating ng nasabing imahen sa katedral ng Quiapo.
Hindi nakalagay sa andas ang Nazareno kundi ito binuhat ng mga deboto na kinabibilangan ng mga Hijos de Nazareno na mula pa sa Quiapo. Nakayapak din sila habang nagpaparada/prusisyon.
Ang mga Hijos ang nangangalaga at nag-iingat sa nasabing imahen na pinagdedebotohan ng maraming Katolikong Pilipino dahil sa mapaghimala ito umano.
Sa kanyang maiksing mensahe, binanggit ni Mayor Gerry na ang pagbisita ng Nazareo ay “isa na naming biyaya para sa ating bayan.”
“Nawa’y itong maging daan upang lalo tayong magkaisa at upang mabiyayaan ang lahat ng ating mga kababayan pati na ang buong mundo. Nawa’y ang diwang ito ay lalo tayong maging ‘higante’ bilang mamamayang disiplinado, mamamayang mapagmahal sa kalikasan at kapaligiran, at mamamayang nagmamahalan bilang disiplinadong mga taga-Angono,” wika ni Mayor Gerry.
Pagkatapos ng kanyang mensahe, pinangunahan naman ni Mayor Gerry ang panalangin ng bayan. Nag-alay din siya at ang kanyang pamilya ng sampagita at pagkatapos nito ay humalik sa Nazareno.
Bago tumulak papuntang simbahan, lumapit ang mga tao at mga deboto upang makapahid ng panyo o makahawak sa imahen.
Pagkadaan sa munisipyo ay umusad naman ang parada/prusisyon patungo sa simbahan. Dumaan ito sa kahabaan ng M.L. Quezon Avenue, sa E. Dela Paz, sa Barangay Poblacion Ibaba hanggang makapasok sa patio.
Bago pumasok sa simbahan, tila fiesta ang naging tagpo dahil sunud-sunod na sumirit sa ere ang mga kwitis at kasabay nito ang mga tugtog ng banda at ang awit-panalangin na nagmumula sa trompa/sound system.
Pagkapasok sa loob ng simbahan, nagwagayway ng putting panyo ang mga tao at may ilang sumisigaw ng “Viva! Viva!” habang ipinupwesto ang imahen.
Bandang 9:45 ng umaga ng maipwesto sa kanyang lugar ang Nazareno at mula doon ay sinimulan ang “Pahalik” na nagpapatuloy hanggang ngayon. Pinangasiwaan ito ng mga taga-simbahan at ni Barangay San Isidro Capt. Joey Calderon, na tumatayo ding tagapangulo ng Municipal Disaster Risk Reduction Council.
Maya-mayang alas-12:00 ng tanghali ay magkakaroon ng welcome mass o misang pagtanggap na pangungunahan ni Fr. Roy Crucero, ang kura paroko.
Mamayang 3:45 ng hapon naman ay ang prusisyon at ililibot ang Nazareno sa mga pangunahing lansangan sa Angono.
(Ulat at Litrato ni Richard Gappi)