Limampung (50) pamilya sa Barangay Kalayaan na nakatira malapit sa Wawa ang inilikas ngayong umaga, July 30, dahil kumpara sa normal nitong kalagayan tumaas nang 1 foot ang tubig sa Lawa ng Laguna.

Makikita sa larawan ang ilang lugar sa dulo ng Edenville Subd., Brgy. Kalayaan na nalubog ng baha. (Litrato ni Edwin Rivera)

Ito ang ulat ni Engr. Arnold Pinon kaninang umaga sa flag raising ceremony kaugnay sa update at dulot ng bagyong ‘Gener’ sa Angono.

Ang ilan sa mga inilikas na residente ng Brgy. Kalayaan na pansamantalang inilipat sa Ynares Covered Court.

Si Engineer Pinon ang tumatayo bilang Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer ng Angono.

Dagdag pa ni Engineer Pinon, nanunuluyan sa covered court ng Barangay Kalayaan ang mga pamilyang inilikas.

“Maya-maya ay pupuntahan na sila ng ating mga taga-DSWD (Department of Social Work and Development) at ng Health Office para malaman kung ano ang kanilang pangangailangan na dapat tugunan ng lokal na pamahalaan,” wika ni Engineer Pinon.

Ang ilan sa mga residente ng Del Rosario at Florentino Sts., na tinulungang makalikas ng Pamalahaang Lokal ng Angono bungsod na rin ng biglaang pagtaas ng tubig sa mga nasabing lugar.

Iniulat din ni Engineer Pinon na nalinis na nila sa mga pangunahing lansangan ng bayan ang mga puno na itinumba nang malakas na hanging bitbit-bitbit ni ‘Gener’ nitong magdamag.

“Parang sumisipol na asong ulol ang hangin kagabi. Sa amin nga, naputol yung antenna ng tv na nasa bubong namin tapos natanggal din yung isang jalousie o salamin nung bintana namin,” wika ni Rizal News Online editor Richard R. Gappi.

Dagdag pa ni Sir Gappi: “Tatlong beses din nagbrown-out bago maghatinggabi pero matapos lang ang isang minutong pagitan sa bawat pag-brownout e nagkailaw uli. Sa ikaapat na brownout simula nang ala-una nang madaling araw, tumagal ito hanggang alas-tres ng madaling araw.”

Dulot rin ng malakas na hangin at dami ng volume ng ulan, sinuspinde ni Mayor Gerry Calderon ang klase sa elementarya at hayskul sa public at private schools sa Angono.   Inaunsyo rin ng CTLO-TESDA/KKK Office ang pagsusupindi ng mga special training classes ng Computer School on Wheels at Basic Technician courses nito mula sa programa ng Bagong Henerasyon Party List at ni Cong. Joe Duavit.

Patuloy na minomonitor ng mga taga-MDRRC kasama ang Fire Department sa pangunguna ni Chief Roberto Tirona ang magiging dulot nang masamang panahon sa buong araw.

Ang Fire Department Office ang nagsisilbing command post sa oras ng may kalamidad o emergency na kailangang tugunan ang pamahalaang bayan.

Samantala, habang isinusulat ang balitang ito ngayong 9:45 ng umaga, nahawi na ang nakalambong na maiitim na ulap sa alapaap at medyo lumiliwanag na ang kalangitan.

(Richard R. Gappi/Manda Icasiano)