ni Manda Icasiano
Nahalal na interim na pangulo ng Angono Municipal Employees Association (AMEA) si Rizal News Online (RNO) editor Richard R. Gappi sa eleksyon na ginanap sa bahay-pamahalaan noong August 3.

Makikita sa larawan ang mga nahalal na pamunuan ng bagong tayong AMEA o Angono Municipal Employees Assn. habang sumusumpa sa harapan ni Mayor Gerry Calderon sa isang “Oath Taking Ceremony” na ginanap kaninang umaga, ika-6 ng Agosto. (Litrato ni Edwin Rivera, KKK Office)

Si G. Gappi ang Community Affairs Assistant Officer II ng Office of the Mayor/Municipal Tourism Office, media relations officer, at in-charge ng Municipal Artists Affairs ng Pamahalaang Bayan ng Angono.
Isa din si G. Gappi sa gagawaran ng Pamahalaang Bayan ng Angono ng “Dangal ng Bayan Award” para sa sining, pagtula at pagsusulat sa darating na Agosto 19 sa pagdiriwang ng ika-74 Taon ng Paglagda sa Pagsasarili ng Bayan ng Angono.
Naiboto namang pangalawang pangulo si G. Manda Icasiano ng Public Information Office ng Office of the Mayor at editor ng Angono Dream News (ADN) Online, and dyaryo ng munisipyo.
Ang sumusunod ang iba pang nahalal na opisyales: Lala Cambaliza ng HRMO/GSO, bilang kalihim; Dan Silvino ng MPDC, ingat-yaman; Iris dela Torre ng Accounting/BPLO, auditor; Boni Tudela ng Accounting at Lucy Bautista ng HRMO bilang public relations officer.

AMEA Interim Officers 2012 (Litrato ni Edwin Rivera, KKK Office)

Binuo ang AMEA matapos pangasiwaan kanina ring hapon ng Public Service Labor Independent Confederation (PSLINC) ang oryentasyon-seminar sa mga kawani ng munisipyo ng Angono tungkol sa “public sector unionism and the right to self-organization in the Philippines.”
Ang PSLINC ay isang malaking organisasyon sa Pilipinas na binubuo ng mga manggagagawa sa pamahalaan. Sa oryentasyon kanina, ang nasabing grupo ay nirepresenta nina PSLINC Regional Education and Training Officer Ms. Nery Buban at PSLINC Luzon Regional Council Deputy General Secretary Bro. Reynaldo M. Jesuitas.
Naging panauhing tagapagsalita naman sa nasabing seminar si G. Nelson Sarmiento, Director II ng Civil Service Commission Field Office-Rizal province.
Ayon kay Ginoong Sarmiento, sakaling mairehisto ang AMEA bilang isang accredited at registered na samahan ng mga kawani ng pamahalaan, maaari na silang pumasok sa Collective Negotiation Agreement o CNA.
Ang CNA ay naglalaman ng mga kasunduan na naglalayong mapabuti ang kalalagayan ng mga manggagawa sa gobyerno.
Hinimok din ni G. Sarmiento ang mga kasapi ng AMEA na maging positibo ang pagtingin tungkol sa nasabing asosasyon at maging katuwang sila sa epektibong pagbibigay ng serbisyo publiko.
Ang nahalal na mga opisyal ng AMEA ay manunumpa sa flag ceremony sa Lunes, ika-6 ng Agosto na pangungunahan ni Mayor Gerry Calderon.
Pagkatapos ng flag raising ay pipirma naman sila sa Memorandum of Agreement sa PSLINC ukol sa pagkakaroon ng mga social dialogue trainings at Human Resource Management System.
Layunin ng kasunduang ito na pahusayin ang kapasidad at kaalaman ng mga kawani upang lubos silang makapagserbisyo sa mamamayan.
Ang AMEA ay binuo upang magkaraoon ng pangkalahatang representasyon ang mga regular na empleyado sa munisipyo ng Angono.
Ito ay makikipag-ugnayan sa lahat ng mga empleyado, laluna sa mga rank-and-file, ukol sa iba’t ibang isyu at mga mungkahing kapaki-pakinabang para sa lahat ng mga manggagawa sa pamahalaang bayan ng Angono.
Humigit-kumulang 200 ang permanenteng kawani sa munisipyo at 165 dito ay kabilang sa rank-and-file o may posisiyon na mas mababa sa Department Head o Salary Grade 23.