(Updated 4: Tuesday, 3:50pm, August 7) News: Pagiging “state of calamity” ng Angono, Rizal lalong pinagrabe ng magdamag na ulan at baha
nina Manda Icasiano at Richard R. Gappi
Angono Public Information Office
3:50pm, Tuesday, August 7, 2012
Office of the Mayor, Office of the Municipality of Angono — Ang halos walang tigil at magdamag na ulan simula kagabi ay lalong nagpasidhi sa kalagayan ng Angono na ngayon ay nasa “state of calamity” na.
.
Noong Agosto 1, dulot ng bagyong ‘Gener,’ pinagtibay ng Sangguniang Bayan ang Resolusyon Blg. 12-102 na nagpapasiyang nasa estado ng kalamidad ang bayan ng Angono dahil sa mga pagbaha at pagkasira ng mga ari-arian at imprastrukturaIdineklara na ng Sangguniang Bayan.
.
Ayon pa sa Sangguniang Bayan, maraming bahagi ng dike ng Angono River ang bumagsak dahil nauk-ok ng tubig at ulan at marami rin sa mga naninirahan sa dulong bahagi ng Barangay Kalayaan ang nagkakaroon ng mga karamdaman tulad ng lagnat, sipon, ubo at iba pa.
.
Ang resolusyon ay iminungkahi ni Kon. Jose V. Calderon na pinangalawahan at sinang-ayunan ng lahat ng konsehal.
.
Si Kapitan Joey calderon ng Barangay San Isidro ang tumatayoding executive coordinator ng Angono Municipal Disaster Risk Reduction and Management Office.
.
Samatala, nagpatawag naman ng emergency meeting si Angono Mayor Gerry Calderon na dinaluhan ng lahat ng mga kapitan ng barangay sa Angono.
.
Dumalo rin sa pagpupulong ang mga kawaning kasama sa disaster operations tulad ng MSWD, Health Office, Engineering Office, PNP, BFP, Information Team at mga volunteers mula sa Y-CARES at iba pang indibidwal.
.
Nagbigay ng ulat si Engr. Arnold Piñon, MDRRMC Coordinator, sa ilang barangay na lubos na naapektuhan sa mga pag-ulan sa bayan ng Angono.
.
Habang isinusulat ang balitang ito, mayroong humigit sa 1, 396 families o 6, 980 individuals ang nasa 12 evacuation center na nasa Barangay Kalayaan, San Vicente, Poblacion Itaas, Angono Municipal Gymnasium, at Barangay Bagumbayan.
.
Nagtalaga din si Mayor Gerry ng mga “camp managers” upang pamahalaan ang kaayusan at kapakanan ng mga evacuees. Nangalap din si Mayor Gerry ng mga volunteers na nagkaroon ng karanasan noong bagyog Ondoy upang makatulong sa kasalukuyang sitwasyon. Nagpapalagay din siya ng mga “portalets” na magagamit sa mga evacuation sites na walang palikuran.
.

Hinikayat din niya ang mga homeowners’ association na makipagtulungan sa kanya-kanyang mga barangay tuwing sasapit ang ganitong mga kalamidad.

.

Ang higit na pinatutukan ni Mayor Gerry ay ang kapakanan ng mga evacuees. Kung kaya’t inatasan niya ang Municipal Health Office na umikot sa mga evacuation sites upang tingnan at gamutin agad ang may mga sakit, at tiyaking maayos ang kanilang kalusugan.

.
Tiniyak naman ng MSWD na sapat at handa ang kanilang opisina, at kasalukuyan silang namimigay ng mga relief goods sa lahat ng mga evacuation sites.
.
Pinag-ulat naman ni pamahalaang bayan ang Municipal Engineering Office upang alamin ang kalalagayan ng mga inprastrakturang naapektuhan ng mga pagbaha.
.
Ayon kay Engr. Lorenzo Mendiola, may ilang malilit na riprap at pader na inireport na nasira, bagaman hindi lubhang mapanganib, at walang namang indibdwal na nasugatan.
.
Sa ulat naman ng Brgy. Mahabang Parang, naging malaking tulong ang mga volunteers ng mga “Cash-for-Work” Program ng gobyerno sapagkat naging daan ito sa kanilang lugar upang malinis ang mga ilog at hindi bumaha sa mga lugar na dating binabaha sa Mahabang Parang.
.
Naging maliit naman ang epekto ng pagbaha sa Brgy. San Isiro dahil na rin sa mataas na lugar nitong kinalalagyan.
.
Inatasan din ni Mayor Gerry ang lokal na kapulisan upang tumulong sa pagpapanatili ng kaayusan, kaagapay ang Public Safety and Order team. Hinikayat din niya ang mga barangay na makipag-ugnayan sa mga simbahan na nais tumulong sa mga biktima ng kalamidad.
.
Sa kasalukuyan ay umiikot ang buong disaster team upang i-monitor ang pangkalahatang kalagayan ng munisipalidad habang patuloy ang pagbuhos ng malakas na ulan.
.
Tumatanggap na rin ng mga donasyon ang pamahalaang bayan. Nangangailangan ng kumot, damit at mineral water ang mga nasa evacuation center.
.

Ipadala ang inyong mga tulong sa opisina ng DSWD o sa KKK office.