(Ulat nina nina Richard R. Gappi,  Manda Icasiano at Lala Cambaliza-Corre

Ito ang litrato ng aso na kuha wala pang 30 minuto ang nakakalipas. Maaalala na naging viral sa internet at Facebook ang photo ng aso na ito dahil patay na daw umano at pinababayaan ng lokal na pamahalaan. (Litrato ni Tracy Pascual)

Walang katotohanan kundi isang tsismis lamang na patay na ang isang aso sa Angono, Rizal na nasa isang litrato na naging viral na ngayon sa internet.

Sa pagsisiyasat ng Rizal News Online at Angono Dream News Online, buhay na buhay ang aso at ito ay nasa Dog Pound ng munisipyo sa Sitio Pinagpala, kinakalinga, pinapakain at inaalagaan.

Matatandaan na kumakalat ngayon sa internet ang nasabing litrato. Naipost na rin ito sa Facebook account ng Philippine Animal Lovers Society (PALS) at habang isinusulat ang balitang ito ay nai-share na ng 135 ulit.

Inulan din ng batikos, mura, at masasamang salita ang pamahalaang bayan ng Angono dahil umano sa pinababayaan ng munisipyo ang mga aso na nahuhuli dahil pakalat-kalat sa kalye.

Gayunman, walang basehan ang nasabing bintang na pagpapabaya, ayon kay Mayor Gerry Calderon.

Ganito ang istorya sa likod ng nasabing viral na litrato:

Ayon kay Gary Roa, isa sa tagapangalaga sa Dog Pound, ang naturang aso ay isa lamang sa dalawang aso na nakakulong sa truck noong mga panahong iyon. Mahigit dalawang linggo na itong nakalagak sa truck at araw-araw na pinapakain ng mga tauhan ng Dog Pound.

“Ang isa pa nitong kasama na aso ay kinuha na ng may-ari na isang evacuee. Itong aso na sinasabing namatay umano, ay isang galising aso na pagala-gala sa Sitio Pinagpala at walang ng nagma may-ari. Ito ay bagong panganak at nanghahabol pa kapag may dumaraang tao. Sa takot ng mga residente doon na ito’y makakagat, ini-report nila ito sa munisipyo upang ikanlong sa dog pound, mahigit dalawang linggo na ang nakakalipas. Ang mga anak nitong tuta ang siya nang kinupkop ng mga residente doon,” kwento ni G. Roa.

Dagdag pa ni G. Roa, “Sa kadahilanang lubog ang Dog Pound sa baha noong mga panahong sanhi ng habagat, pansamantalang inilagay ang naturang aso sa truck na nakaparada sa municipal compound dahil ito naman ay flat at pansamantalang hindi nagagamit.

Bagaman naayos na ang truck na panghuli ng aso, inilipat na ito sa Dog Pound, kasama ang aso na kasalukuyang kinukupkop pa rin magpasa-hanggang ngayon, at araw-araw na pinapakain.”

Binigyang diin naman ni Mayor Gerry ang katotohanang pinahahalagahan ng lokal na pamahalaan ang buhay ng mga tao kaya may anti-rabies campaign ang munisipyo.

“Hinuhuli natin ang mga asong pagala-gala sa kalye. Pero pinapahalagahan din natin ang mga aso na nahuhuli, pinapakain, at ipinapaalam kung sino ang may-ari. Dahil para sa atin, ang aso ay man’s best friend,” paliwanag ni Mayor Gerry.

Dagdag pa ni Mayor Gerry, hindi nakalimutan ng lokal na pamahalaan ang kapakanan at kaligtasan ng mga hayop, kabilang na ang mga aso, pusa at maski manok na naapektuhan ng habagat at baha.

“Sa katunayan, kamakailan lamang ay nakipag-ugnayan tayo sa World Society for the Protection of Animals at sa Philippine Animal Welfare Society. May 7, 500 na pusa at aso ang binigyan natin ng pagkain at patuloy na inaalagaan,” wika ni Mayor Gerry.

(Basahin ang kaugnay na balita sa link na ito:

Gayundin naman, pinaalalahanan ni Mayor Gerry ang mga netizens na maging maingat sa pagsasalita at beripikahin munang mabuti ang anumang isyu bago magsalita ng kung anu-ano.
“Sinusuportahan natin ang malayang pamamahayag dahil ang inyo pong lingkod ay nasa media din at isa po akong graduate ng Mass Communication. Pero kailangang maging responsible din tayo sa kung ano ang ating sasabihin, iki-click, o ise-share sa internet. Yung kampanya nga ng GMA News, yung kay Howie Severino, sabi nya nga: think before you click,” pagtatapos na wika ni Mayor Gerry.