Gaganapin sa Linggo, November 18, 2012 sa ganap na ika-7:00 ng umaga ang parada ng humigit-kumulang 100 higante sa bayan ng Angono bilang tampok na aktibidad sa Higantes Festival.
Magsisimula ang parada sa harap ng Angono Elementary School. Inaasahang lalahukan ito ng daan-daang tao mula sa iba’t ibang sektor tulad ng local government unit, business establishments, mga eskwelahan at iba’t ibang samahan.
Ayon kay Angono Tourism Officer Prof. Patnubay Tiamson, gaganapin na tuwing 3rd Sunday ng Nobyembre ang maramihan at malawak na parada ng bayan at mga Higante. Ginawa ito upang himuking lumahok hindi lamang ang mga Katoliko kundi ang iba na ring religious organizations sa paradang ito na pinangangasiwaan ng lokal ng pamahalaan.
Ang parada ng bayan at Higantes Festival dati ay ginagawa tuwing November 22. Gayunman, pagliliwanag ni G. Tiamson, may mga higante pa ring magpaparada sa November 22 o sa Bisperas Mayores.
Paliwanag pa ni G. Tiamson, ang parada ng mga Higante ay isa lamang sa mga tampok sa isang buwan na aktibidades kaugnay sa Higantes Festival season. Nagsimula ito, aniya, noong November sa kaarawan ng Pambansang Alagad ng Sining Carlos “Botong” Francisco at magtatapos hanggang Disyembre.
Ayon naman kay Mayor Gerry Calderon, tema ng pagdiriwang ngayon ang pasasalamat ng bayan dahil sa higanteng biyaya ng Panginoon sa bayan ng Angono ito man ay sa larangan ng sining, pamamahala, at kagalingan at kabutihan ng mamamayan.
Patunay na nga dito ang pagdiriwang ngayong taon sa sentenaryo ng kapanganakan ni Pambansang Alagad ng Sining Carlos “Botong” Francisco at ni Prof. Lucio San Pedro sa susunod namang taon.
Kung may mga katanungan, maaaring tumawag sa Angono Tourism Office sa 661-3646.
by: Richard Gappi | Rizal News Online