SM Taytay

 

Mahigit sa 3,000 trabaho ang direkta at indirektang mapapakinabangan ng mga taga-Angono sa pagtatayo at kapag naging operational na ang giant retail business na SM Center sa Angono. 

 

Ito ang ulat ni Ms. Annie Garcia, presidente ng SM Super Malls, sa ground breaking ng nasabing establisyemento na ginanap noong Agosto 5.

Itatayo ang nasabing gusali sa dating lugar ng sabungan sa may Hi-way na sakop ng Barangay San Isidro na pinamumunuan ni Kapitan Joey Calderon.  Ayon sa kontratista, matatapos ito sa loob ng walong buwan.

sm-time-capsule

Ayon pa kay Ms. Garcia, ang paglalaan ng trabahong ito sa mga residente ang patunay sa ‘strong partnership’ ng kanilang kompanya at ng pamahalaang bayan.

Bukod sa pagbibigay ng trabaho, ayon pa kay Ms. Garcia, maglalaan din ng espasyo para sa mga artist at para sa mga pangkultura at pansining na gawain. Aniya, ito ang magiging ambag umano ng SM sa pagpapatampok at pagpapayabong sa mayaman ng kultura, sining at tradisyon ng bayang Angono na kilala sa bansa bilang ‘Art Capital of the Philippines.’

531833_499147733506370_472981699_n

At dahil pangangalaga sa kalikasan ang isa din sa pangunahing prioridad ni Mayor Gerry, magtatayo ng 1, 600 cubic mater-rainwater holding facility ang SM Center Angono upang maiwasan ang baha sa bayan, paliwanag ni Ms. Garcia.

Sa kanya namang mensahe, ipinaliwanag ni Rizal 1st District Congressman Joel Roy Duavit na mapalad na napiling itayo sa Angono ang SM Center dahil na rin ang layunin ng SM Center ay halos angkop at katulad sa mga proyekto at gawain ni Mayor Gerry.

Pabiro ngunit may halong katotohanan ding binanggit ni Cong. Joe ang mensahe para sa aktres na si Ruffa Gutierrez: na magkakaroon na ng ‘Starbucks’ sa Angono.

Matatandaan na limang taon na ang nakakaraan, sa pelikulang ‘Working Girls’ na isa sa mga bida si Ruffa, naging bukambibig ang Angono dahil sa kanyang isang linya.

Sa isang eksena sa nasabing pelikula, makikipagmiting umano si Ruffa sa Angono pero biglang katwiran at tutol ni Ruffa sa pagsasabing “Saan yun, meron bang Starbucks dun?”

Ang linyang ito ay tila isang pangmamaliit sa bayan ng Angono kung pagbabasehan ang kaunlaran nito.

Pero dahil sa SM Center na itatayo na ngayon, magkakaroon na ng nasabing sosyal na kapihan sa Angono.

‘Kung gusto mo, Mayor Gerry, imbitahan pa natin si Ruffa Gutierrez. Kaibigan natin yun,” wika ni Congressman Duavit sa punongbayan.

Labis naman ang pasasalamat ni Mayor Gerry sa mga taga-SM Center dahil sa pagtitiwala nilang magnegosyo sa bayan ng Angono.

Ayon kay Mayor Gerry, malaki ang bahaging gagampanan ng nasabing establisyemento sa pagbibigay ng trabaho sa kanyang mga kababayan at pagtatampok sa bayan bilang ‘Art Capital of the Philippines’ at ‘Home of the Higante Festival.’

Ang ground breaking ay dinaluhan din ng mga kasapi ng Sangguniang Bayan ng Angono, mga kapitan at kagawad sa iba’t ibang barangay, mga department heads, at lider ng mga non-government organizations at opisyales ng iba’t ibang subdibisyon sa bayan ng Angono.

 

Ulat at Litrato ni Richard Gappi